Nitong linggong ‘to, naranasan ko kung pano maging resourceful. Kung baga, nilabas ko na ang potential power ko para lang maging resourceful. Ikaw ba naman ang mamuhay sa P100 sa loob ng apat na araw kung hindi ka maloka kaiisip ng paraan para makapagtipid.
Last week ako nag-umpisang magtipid nang narealize ko na P350 na lang pala ang pera ko. Ang strategy ko: magdala lang ng P50 sa bulsa para maiwasan kong bumili ng kung anu-ano. Tamang-tama lang ang P50 para sa pamasahe ko mula bahay hanggang makauwing bahay. Two rides kasi ako. Kasama na rin dun ang pagkain ko sa lunch at break. P20 ang maximum budget ko para sa lunch. Ang tira, candy na lang.
Pero sa kasamaang palad, nadelay ang pagbibigay sa ‘min ng sahod. Hindi pa rin nagkasya ang natitira kong pera hanggang sa sunod na sahuran. Ngayong linggo nga, pinagkasya ko ang P100 pesos sa loob ng apat na araw. Paano ko yun nagawa? Ganito:
Araw-araw, sumasabay na lang ako kina Mama sa paghatid sa mga kapatid ko. 7am ang klase nila, pero, madalas silang late kaya umaalis kaming bahay nang 7:20 na. Dumaraan din kasi ang sasakyan sa pinagtatrabahuhan ko.Tamang-tama, mga 7:40, nasa office na ako.
Bale, tipid akong P14.
Sa lunch naman, sapilitang vegetarian diet ako. P10 lang kasi ang gulay at P5 ang kanin. P15 lahat.
Bale, tipid na naman ako ng P5.
Ang problema, nagugutom ako pag 2pm dahil konti lang nakakain ko ‘pag lunch.
Ang solusyon: todo tubig diet na ako pag break. It makes you feel full, you know.
Ganito nga ang ginawa ko sa loob ng apat na araw para lang pagkasyahin ang P100.
Grabe talagang paghihirap ang tiniis ko sa loob ng apat na araw na ‘yun. Iniiwasan ko nang tingnan ang food street. Iniiwasan ko nang amoyin ang fishball at inihaw na isaw. Iniiwasan ko ng maisip na masarap ang mami sa Akongs. Iniiwasan ko ring magload. Pati pagkain ng mani, ipinagkait ko na rin sa sarili ko. Hindi na rin ako dumaraan sa mga ukay-ukay at bilihan ng DVDs. Sa ganitong paraan, hindi na ako maaakit na gumastos ng hindi ko naman kailangan.
Marami akong tiniis na hindi gawin sa loob ng apat na araw na ‘yon. Pero, marami namang naidulot na maganda sa ‘kin ang pagkakasya ng P100 sa loob ng apat na araw.
Heto:
Isa na ako sa mga early birds ng office, kahit dati, halos araw-araw akong late. Bukod pa diyan, baka gumanda-ganda na rin ang skin ko dahil sa puro pagkain na lang ng gulay at paginom ng sangkaterbang tubig ang diet ko.
Pihadong hindi na ako nito madedehydrate at siguradong moisturized na palagi ang skin at lips ko kahit walang lotion at lip balm. Malamang rin na nadetoxify kahit papano ang katawan ko sa kakainom ng tubig. Nabawasan na rin siguro ang fats ko sa katawan dahil sa sobrang paghigpit ko ng sinturon.
At least, kahit papano, may naidulot na maganda ang ginawa kong pagtitipid para lang magkasya nag P100 sa loob ng apat na araw. Ewan ko lang kung balik ulit ako sa normal kong sarili ngayon na nakuha ko na ang sahod kong P2,500 (with deductions).